NAMAYAN, MANDALUYONG CITY — Patuloy na isinagawa ang roving at monitoring sa Barangay Namayan kasunod ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan na nagdulot ng mabilis na pagtaas ng tubig at pagbaha sa ilang pangunahing lansangan ng barangay.
Sa kabila ng masamang lagay ng panahon, nagpatuloy ang mga lokal na responders at opisyal sa pag-iikot upang masubaybayan ang kalagayan ng mga residente at matukoy ang mga lugar na maaaring mangailangan ng agarang atensyon o tulong.
Nakibahagi sa isinagawang monitoring ang ilang miyembro ng Namayan Barangay Council, Namayan Emergency Action Team , gayundin sina SK Kagawad Luis Marinez Anghel Sa Lupa at SK Kagawad Joshua Ortiz.
Layunin ng patuloy na roving at monitoring na agad na matukoy at mai-report ang anumang insidente, pagbaha, o iba pang pangangailangan sa loob ng Area of Responsibility ng barangay. Mahalaga rin ang koordinasyon sa pagitan ng mga barangay officials, emergency responders, at iba pang kinauukulan upang matiyak ang maagap na pagtugon sa mga posibleng insidente.
Samantala, pinaalalahanan ang mga residente na manatiling alerto, mag-ingat, at makipagtulungan sa mga awtoridad, lalo na habang nagpapatuloy ang pag-ulan at posibilidad ng pagtaas ng tubig sa ilang lugar.
Patuloy namang nakatutok ang mga kinauukulan sa sitwasyon upang mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng mga Ka-Barangay.